Hindi ko lubos matandaan kung saan at kelan unang nag krus ang ating landas at nabigkis ang ating kaluluwa sa magkakatulad na hangarin at pangarap. Hindi ko rin lubos maalala kung kelan ko napagtanto na ang ating pagka-kaibigan ay yumabong at lubusang nag ugat ng may lalim. Basta ang alam ko nalungkot ako sa iyong paglisan kasabay ng tuwa at paghanga sa iyong pagtataya.
Sabagay, hindi na ako bago sa mga kuwento mo ng pagtataya. Ilang ulit na bang ang pagtataya mo eh nauwi sa pagluha at kawalan? Kung ilan man 'yun (sa totoo lang konti lang naman talaga kasi pasiguro ka at pihikan ang puso) ganun ang ulit ng pagkakataong nakita kitang sumubsob na tila ba anghel na nawalan ng pakpak. At 'yun din ang bilang ng iyong pag bangon, hindi lubusang hilom ang mga sugat, ngunit may tapang at pangakong lilipad muli, kahit may kabigatan ang pakpak sa alaala ng kawalan at pira-piraso ang puso dahil buong buong pagbibigay.
Mahirap palang huli mo ng mapag tatanto kung gaano kalalim ang ugat ng isang pagsasama, lalo pa't kung ito ay nadilig na ng luha, hinarana ng mga impit na iyak (na kunwari ay hindi namin napapansin dahil hindi ka pa handang magbahagi), at binudburan ng abono ng mga walang katuturang panga-ngarap at mga paulit-ulit na kwentuhang nagsasadlak sa atin sa mundo ng mga engkanto at diwata na madalas nating bisitahin kapag masyadong seryoso o walang kwenta ang takbo ng buhay at panahon.
Ibang gubat na ang sinuong mo kaibigan, isang hamak na irigasyong bukid lang ang aming pinagpupugaran dito, pero ang pinagtataka at ikinagagalak ko, hindi ka pa rin nag babago. Handa ka pa ring magmahal (kahit sabihin mong hindi na, hindi ako maniniwala), may ningas pa rin ang puso mong mas madalas pag-alabin ng pag aruga sa iba, niyayakap mo pa rin ang kabaliwan ng pagiging bata, nagsasayaw ka pa din ng mga steps na hindi makikita kahit saang kumpetisyon (at ikamamatay sa hiya ng talagang marurunong magsayaw) at patay na patay ka pa rin kay Jolibee.
Nangungulila ang puso ko sa kaibigang tulad mo...yun bang hindi ko kailangan maging matalino at tigasin (tutal madalas low gets ka naman di ba? hahahahaha) 'yun bang makikinig sa mga tanong ng buhay na hindi pinagkaka-abalahan ng iba, at susubuking arukin ang hiwaga ng mga walang papupuntahang tanong at sa huli ay sama-sama tayong tatawa at magsasaya na para bang nakakuha ng sagot, sa kabila ng katotohanang 'ni hindi man lang talaga buong diwang naunawaan ang tanong.
Sa tingin ko lang, maraming Maya sa mundo kaibigan, pero nag-iisa lang ang ligaw ngunit buo ang loob sa nais patunguhan...kung saan man 'yan.

No comments:
Post a Comment