Sa labas ng Mcdo ay may mga batang palaboy na naglalaro ng Jackstone (ang larong pinagbawal sakin ng Tatay ko sa kabila ng mala-barakong tunog nito). May isang grupo ng manga-ngain na lumabas at binigay ang kanilang tira sa mga bata. Agawan ang mga paslit, iyong mga nakakuha, nagtago, ‘yung napag-iwanan eh naghanap. Sa gitna ng kaguluhang ito may isang batang marahil ay 8-taong gulang, na panay ang habol sa siguro’y 5-taon na paslit. Habang abala ang iba sa habulan upang makiparte sa tira-tirang pagkain, siya nama’y abala sa paghahabol upang ayusin ang isang maruming face towel sa likod ng 5-taong bata. Bakas sa ngiti ng nakatatandang bata ang tuwa sa pagmamasid sa laro ng nakababataang paslit, hindi alintana ang udyok ng kakarampot na pagkaing pwedeng pagsaluhan. Nagbara ang lalamunan ko, wari bang nabuong muli sa isang ga-kamaong patatas ang fries na isinubo. Sa sandaling iyon ang salitang “Ate” ay naging tila ba banal na aparisyon sa aking harapan.
Sa kabilang kalsada, may isang nagtitinda ng prutas malapit sa kanto ng Banco Filipino, naagaw n’ya ang aking pansin dahil sa kanyang pagkaka upo at ngiti. Sa gitna ng kaguluhan ng kapaligiran, andun s’ya at tulala sa kanyang pag-kakaupo, hindi lungkot, ‘di pagkabalisa ang nakapinta sa kanyang mukha. Naisip ko, mukhang mahirap itong mabentahan, di man lang magtawag. Nagkalinaw ang lahat ng matuon ang aking pansin sa kanyang kamay, buong rahang hinahaplos ang mala-pakwan n’yang t’yan.
Sa pakiwari ko’y naglalayag ang kanyang isip sa mundo ng bukas kung saan ang ngiti ng kanyang pinaka-hihintay na anghel ay papawi sa pagod ng araw-araw na pakikibaka sa hindi patas na mundo. At ang mahigpit nitong mga yakap at inosenteng hagikhik ay magbibigay lakas sa mga araw na ang pag-asa ay saklot ng pagkasalat at kahirapan. Nakakatunaw puso ang larawang yaon, nakaka mangha kung papaanong ang isang inosenteng buhay, na sa ibang maalwan pa nga’y, pabigat, samantalang sa isang maninindang ina nama’y wari bang agimat.
Galing sa labas, itinuon ko ang aking pansin sa loob ng Mcdo. Isang binatilyong may ningning ang mata at di mapunit na ngiti habang nagbabasa ng text, isang magkasintahang pwedeng langgamin sa tamis ng mga titig at pilit nagsisiksikan sa upuang pang-apat, isang grupo ng mag-kakaibigan na kilala ko umpisa noong college, bitbit na ang kani-kanilang mga anak at buong gulong nagku-kwentuhan, waiter na nagbibigay ng straw sa isang customer na musmos….wari bang napuno ng pag-ibig ang Mcdo.
Sabi ng isang kanta, “there is a famine for love…”. Mukhang pagkatapos ng karanasang ito…ayaw kong maniwala. Ang mundo ay puno at puspos ng pagibig. Marahil nga lang eh bulag na tayo sa payak na paglalarawan nito. Marahil ang pagibig ngayon eh mas buhay na sa walls, notes at posts ng Facebook. Masaya ako at pinagpalang masilayan ito sa McDonalds. Nabusog ang puso, nadilig ang kaluluwang uhaw, at may bagong pakahulugang umaawit…pa pa ra pa pa…Love Ko ’to! (at kinanta mo naman!)
‘lika ka sa Mcdo, treat N’ya!

balik bayan sa blog.
ReplyDeletewelcome back.
nice story.
more to come.