| Si Mikee the Gambler |
Ito ang larawang buong sabik na pinag kaka abalahan din ng 2 kong anak na lalaki mula sa gate ng aming bahay, ilang araw na nila akong kinukulit na payagan silang bumunot. Ako naman, sa kadahilanang laki sa public school eh ayaw pumayag dahil alam kong mas may tsansa ka pa sa lotto kesa sa mga palabunutang portable.
Noong nakaraang araw, pinagbigyan ng lola ang limang taon kong anak, pinayagang bumunot. Aba! Ang piso nya ay naging apat na piso! Hamak that! Sabi ng ilang konyo kong kaibigan. Kahapon, muling nagyaya ang aking anak at muling pinagbigyan ng lola. At naghalo ang balat sa tinalupan, yung 4 na piso nya, nabutata!
Sa madaling kwento, umuwi ang anak kong luhaan at masama ang loob, gustong bawiin ang kanyang pera sa mamang 4-peso richer ng araw na yun. Nakakatawa no? Pero ako, pagkatapos ko tumawa eh napatahimik, nag isip...at nalungkot.
Sa unang pagkakataon nag sugal ang anak ko, tumaya. At sa unang pagkakataon natikman nya ang tamis ng pagwagian ang sugal at ang pait ng maging talunan. Ang ligaya ng tamasahin ang yumabong na puhunan, at ang kawalan ng tubong inakalang kanya ng pangmatagalan.
Ilang sugal pa ba ang susuungin nya sa kanyang paglaki? Ilang ulit ko rin bang daranasin ang pigilan sya sa una at hayaan sa huli, dahil sa katotohanang kailangan nya ring daanan ang ganyang hamon ng buhay? At ilang ulit ba akong mamamangka sa pagitan ng tuwa, sa bawat panalo nyang tatamasahin, at lungkot, sa bawat kabiguan nyang dadamdamin?
Paano nalang pag sumugal s’ya sa pag-ibig? Ang sugal na mas matindi pa sa super lotto pag napalunan, at mas mabagsik sa in-grown kung sakit ang pag-uusapan kapag di mo mapag wagian. Kakayahin ko kaya na tingnan sya sa kanyang kasawian at pagkatalo?
Sugal....marami akong himutok, pangamba at agam-agam. Pero sa ngayon iniisip ko nalang, ang mga anak ko na buong bagsik kong ipagtatanggol sa kahit ano, buong sigasig kong pro-protektahan hanggang impyerno, eh bunga rin ng sugal na aking pinagtayaan at sinumpaan sa harap ng Diyos at tao.
Hala, sige anak, sugal lang...pag may kabigatan at di mo kaya, andito si tatay... pag di natin kaya pareho...marami tayong kaibigan...pag di pa rin natin makayanan...tinuruan naman kitang magdasal, 'di ba?
Hala, sige anak, sugal lang...pag may kabigatan at di mo kaya, andito si tatay... pag di natin kaya pareho...marami tayong kaibigan...pag di pa rin natin makayanan...tinuruan naman kitang magdasal, 'di ba?
No comments:
Post a Comment