Total Pageviews

Thursday, May 31, 2012

Heaven that once was....


i have visited this place a thousand times.
the silent horizon still dares me to conquer its immensity, as if knowing fully well that I wouldn’t dare that far, because I can’t even hold the paradise I have found on the very shore I stand.

in my frequent visits, it’s amazing how much things remain to be as they were; the mangroves, the breeze, the vermillion sunset, the mysterious silence of seclusion, the joy of youth spent in the pursuit of love and its hidden treasures;

the only difference is…I’m not holding your hands,
they’re being held by another, in another shore,
while we both look at the same sunset,
connected by the same sea, touched by the same breeze,
pained by the very same love we lost.

oh what curse have I been dealt with!
to reminisce of times and moments that
open wounds festering from regret,
to grasp at dreams of youth gone by,
fleeting as a mist, barely traceable as
a ghost haunting a place of mem’ries…

yet i come…
in regret…
for the heaven that once was…



Tuesday, February 07, 2012

Pagibig Sa Nagbabagong Mundo

Habang nagkakape sa isang tahimik at tagong coffee shop, naulinigan ko ang usaping ito…

“ Iyan, eh di kinain nya rin ang mga pinagsasabi nya, dati s’ya yung “Go for love!” “Risk for love!” all out basta pag-ibig, eh ngayon saan s’ya pinulot?”  May diin na sambit ng isang babae sabay hithit sa namutlang sigarilyo kumpara sa init ng kanyang pagpapahayag.

“Oo nga eh, masyado kasi s’yang idealistic. Iyan tuloy, ngayon hirap s’yang mag heal. Dapat habang tumatanda eh nagbabago rin ang pagtingin sa pagibig, dapat mas nagiging pasiguro din.” Ito naman ang sagot ng isang lalaking nagmukhang henyo sa malumanay n’yang pananambitan.

Hindi ako tsismoso, lubos lang malapit ang aming mesa sa bawat isa. Sa kanilang palitan ng kuro kuro hindi ko maiwasang mapaisip din tuloy, ganoon nga ba ang pagibig at ang umibig sa makabagong panahon?  Habang tumatanda ay mas dapat tayong maging maingat sa pag suong dito?

Ayaw kong mag astang isang propeta or henyo sa larangan ng pagibig, subalit sa kadahilanang nababagabag ako sa aking narinig kagabi, hayaan n’yo sana ako mag pahayag ng aking pananaw, hindi para mangumbinse, kundi para magbulalas lang ng aking sariling saloobin. Thinking outloud sabi ng ‘kano (cheating naman para sa teacher ko noon sa elementary).

Ang pagibig simula’t sapol pa man ay balot na ng pakiramdam na hindi mawari; masaya, nakakatakot, malungkot, exciting, nakaka-iyak, at kung ano-ano pa. Ito ang katotohanan ng pagibig, isang karanasang walang kasiguruhan, ngunit madalas eh pinipilit nating pagtayaan.

Sa panahon ngayon, nagbago na ba ang pakiramdaman o simtomas ng isang inaalipin ng hiwagang ito? Sa tingin ko hindi pa rin, mukha pa rin tayong nae-engkanto kapag inlove, nagpapakatanga pa rin tayo sa ibang desisyon dahil sa pag-ibig, at lumuluha pa rin tayo sa galak at pait sa pagsuong dito.

Kung ang pagibig ay ibibigay ng sukat katulad ng medya ng langis o piraso ng pandesal, baka kailangan pagnilayan kung pagibig nga ito. Kung ang pagtataya ay hindi buo at bukal sa kalooban, marahil ay masyado mo pang mahal ang sarili mo kesa sa ginigiliw, baka hindi pa rin pag-ibig ‘yan.

Ang pag-ibig ba ay ang pagtataya ng hindi nag-iisip? Hindi, katangahan ang tawag d’yan. Ang pagibig para sakin ay ang pagtanggap sa katotohanang ang namumulaklak na hangarin ng iyong puso na makadaupang palad ang isang kaluluwa ay isang imbitasyon sa PAGTATAYA. At katulad ng lahat ng pagtataya, ito ay isang sugal na kailangan mong rin yakapin ang dalang sakit ng pagiging talunan.

Isa lang ang sinasabi ng pagibig, MAGTAYA, kung sa pagtataya eh mabutata, nawa ay tandaan na MATAGUMPAY KA PA RING UMIBIG. Ang tagumpay ng isang pag-ibig ay hindi ang tugunan ito ng kapalit na pag-ibig, kung hindi ang ipahayag ito ng buong kadalisayan, marahil ng may konting pag-aasam na tugunan pabalik, ngunit hindi kailan man hihingi o magdidikta.

Makabago na ang panahon, subalit hindi ang pagibig. Simula’t sapol sugal na ito, at simula’t sapol takot na rin tayong magtaya. Ang pinagka iba lang natin ngayon sa mga tumataya noon, dibdiban silang magtaya at may dignidad at tapang sila sa pagiging sugatan.

Eh ikaw?



Monday, February 06, 2012

LOVE Ko 'to!

Dito mag-uumpisa ang kuwentong pag-ibig.

Sa labas ng Mcdo ay may mga batang palaboy na naglalaro ng Jackstone (ang larong pinagbawal sakin ng Tatay ko sa kabila ng mala-barakong tunog nito). May isang grupo ng manga-ngain na lumabas at binigay ang kanilang tira sa mga bata. Agawan ang mga paslit, iyong mga nakakuha, nagtago, ‘yung napag-iwanan eh naghanap. Sa gitna ng kaguluhang ito may isang batang marahil ay 8-taong gulang, na panay ang habol sa siguro’y 5-taon na paslit. Habang abala ang iba sa habulan upang makiparte sa tira-tirang pagkain, siya nama’y abala sa paghahabol upang ayusin ang isang maruming face towel sa likod ng 5-taong bata. Bakas sa ngiti ng nakatatandang bata ang tuwa sa pagmamasid sa laro ng nakababataang paslit, hindi alintana ang udyok ng kakarampot na pagkaing pwedeng pagsaluhan. Nagbara ang lalamunan ko, wari bang nabuong muli sa isang ga-kamaong patatas ang fries na isinubo. Sa sandaling iyon ang salitang “Ate” ay naging tila ba banal na aparisyon sa aking harapan.

Sa kabilang kalsada, may isang nagtitinda ng prutas malapit sa kanto ng Banco Filipino, naagaw n’ya ang aking pansin dahil sa kanyang pagkaka upo at ngiti. Sa gitna ng kaguluhan ng kapaligiran, andun s’ya at tulala sa kanyang pag-kakaupo, hindi lungkot, ‘di pagkabalisa ang nakapinta sa kanyang mukha. Naisip ko, mukhang mahirap itong mabentahan, di man lang magtawag. Nagkalinaw ang lahat ng matuon ang aking pansin sa kanyang kamay, buong rahang hinahaplos ang mala-pakwan n’yang t’yan.

Sa pakiwari ko’y naglalayag ang kanyang isip sa mundo ng bukas kung saan ang ngiti ng kanyang pinaka-hihintay na anghel ay papawi sa pagod ng araw-araw na pakikibaka sa hindi patas na mundo. At ang mahigpit nitong mga yakap at inosenteng hagikhik ay magbibigay lakas sa mga araw na ang pag-asa ay saklot ng pagkasalat at kahirapan. Nakakatunaw puso ang larawang yaon, nakaka mangha kung papaanong ang isang inosenteng buhay, na sa ibang maalwan pa nga’y, pabigat, samantalang sa isang maninindang ina nama’y wari bang agimat.

Galing sa labas, itinuon ko ang aking pansin sa loob ng Mcdo. Isang binatilyong may ningning ang mata at di mapunit na ngiti habang nagbabasa ng text, isang magkasintahang pwedeng langgamin sa tamis ng mga titig at pilit nagsisiksikan sa upuang pang-apat, isang grupo ng mag-kakaibigan na kilala ko umpisa noong college, bitbit na ang kani-kanilang mga anak at buong gulong nagku-kwentuhan, waiter na nagbibigay ng straw sa isang customer na musmos….wari bang napuno ng pag-ibig ang Mcdo.

Sabi ng isang kanta, “there is a famine for love…”. Mukhang pagkatapos ng karanasang ito…ayaw kong maniwala. Ang mundo ay puno at puspos ng pagibig.  Marahil nga lang eh bulag na tayo sa payak na paglalarawan nito. Marahil ang pagibig ngayon eh mas buhay na sa walls, notes at posts ng Facebook. Masaya ako at pinagpalang masilayan ito sa McDonalds. Nabusog ang puso, nadilig ang kaluluwang uhaw, at may bagong pakahulugang umaawit…pa pa ra pa pa…Love Ko  ’to! (at kinanta mo naman!)

‘lika ka sa Mcdo, treat N’ya!

SUGAL

Si Mikee the Gambler
Isang araw, isang mama na may dalang palabunutan ang umistambay sa harap ng aming bahay. Dala ang mga makulay na laruan, samo’t saring pambatang gadgets at kung anu-ano pa. Pasipol sipol syang tumayo sa tabi ng kalsada habang nag uuwian ang mga estudyante ng elementary sa di kalayuan. Luwa ang mata ng mga bata, di magkamaliw sa pag pisil at kilatis ng mga laruang nakasabit sa folding stand, habang tapik dito tapik doon naman ang mama sa pag saway sa kanila.

Ito ang larawang buong sabik na pinag kaka abalahan din ng 2 kong anak na lalaki mula sa gate ng aming bahay, ilang araw na nila akong kinukulit na payagan silang bumunot. Ako naman, sa kadahilanang laki sa public school eh ayaw pumayag dahil alam kong mas may tsansa ka pa sa lotto kesa sa mga palabunutang portable.

Noong nakaraang araw, pinagbigyan ng lola ang limang taon kong anak, pinayagang bumunot. Aba! Ang piso nya ay naging apat na piso! Hamak that! Sabi ng ilang konyo kong kaibigan. Kahapon, muling nagyaya ang aking anak at muling pinagbigyan ng lola. At naghalo ang balat sa tinalupan, yung 4 na piso nya, nabutata!

Sa madaling kwento, umuwi ang anak kong luhaan at masama ang loob, gustong bawiin ang kanyang pera sa mamang 4-peso richer ng araw na yun. Nakakatawa no? Pero ako, pagkatapos ko tumawa eh napatahimik, nag isip...at nalungkot.

Sa unang pagkakataon nag sugal ang anak ko, tumaya. At sa unang pagkakataon natikman nya ang tamis ng pagwagian ang sugal at ang pait ng maging talunan. Ang ligaya ng tamasahin ang yumabong na puhunan, at ang kawalan ng tubong inakalang kanya ng pangmatagalan.

Ilang sugal pa ba ang susuungin nya sa kanyang paglaki? Ilang ulit ko rin bang daranasin ang pigilan sya sa una at hayaan sa huli, dahil sa katotohanang kailangan nya ring daanan ang ganyang hamon ng buhay? At ilang ulit ba akong mamamangka sa pagitan ng tuwa, sa bawat panalo nyang tatamasahin, at lungkot, sa bawat kabiguan nyang dadamdamin?

Paano nalang pag sumugal s’ya sa pag-ibig? Ang sugal na mas matindi pa sa super lotto pag napalunan, at mas mabagsik sa in-grown kung sakit ang pag-uusapan kapag di mo mapag wagian. Kakayahin ko kaya na tingnan sya sa kanyang kasawian at pagkatalo?

Sugal....marami akong himutok, pangamba at agam-agam. Pero sa ngayon iniisip ko nalang, ang mga anak ko na buong bagsik kong ipagtatanggol sa kahit ano, buong sigasig kong pro-protektahan hanggang impyerno, eh bunga rin ng sugal na aking pinagtayaan at sinumpaan sa harap ng Diyos at tao.


Hala, sige anak, sugal lang...pag may kabigatan at di mo kaya, andito si tatay... pag di natin kaya pareho...marami tayong kaibigan...pag di pa rin natin makayanan...tinuruan naman kitang magdasal, 'di ba?

PANGUNGULILA (Sa Isang Mayang Ligaw)

PANGUNGULILA (Sa Isang Mayang Ligaw)

Hindi ko lubos matandaan kung saan at kelan unang nag krus ang ating landas at nabigkis ang ating kaluluwa sa magkakatulad na hangarin at pangarap. Hindi ko rin lubos maalala kung kelan ko napagtanto na ang ating pagka-kaibigan ay yumabong at lubusang nag ugat ng may lalim. Basta ang alam ko nalungkot ako sa iyong paglisan kasabay ng tuwa at paghanga sa iyong pagtataya.

Sabagay, hindi na ako bago sa mga kuwento mo ng pagtataya. Ilang ulit na bang ang pagtataya mo eh nauwi sa pagluha at kawalan? Kung ilan man 'yun (sa totoo lang konti lang naman talaga kasi pasiguro ka at pihikan ang puso) ganun ang ulit ng pagkakataong nakita kitang sumubsob na tila ba anghel na nawalan ng pakpak. At 'yun din ang bilang ng iyong pag bangon, hindi lubusang hilom ang mga sugat, ngunit may tapang at pangakong lilipad muli, kahit may kabigatan ang pakpak sa alaala ng kawalan at pira-piraso ang puso dahil buong buong pagbibigay.

Mahirap palang huli mo ng mapag tatanto kung gaano kalalim ang ugat ng isang pagsasama, lalo pa't kung ito ay nadilig na ng luha, hinarana ng mga impit na iyak (na kunwari ay hindi namin napapansin dahil hindi ka pa handang magbahagi), at binudburan ng abono ng mga walang katuturang panga-ngarap at mga paulit-ulit na kwentuhang nagsasadlak sa atin sa mundo ng mga engkanto at diwata na madalas nating bisitahin kapag masyadong seryoso o walang kwenta ang takbo ng buhay at panahon.

Ibang gubat na ang sinuong mo kaibigan, isang hamak na irigasyong bukid lang ang aming pinagpupugaran dito, pero ang pinagtataka at ikinagagalak ko, hindi ka pa rin nag babago. Handa ka pa ring magmahal (kahit sabihin mong hindi na, hindi ako maniniwala), may ningas pa rin ang puso mong mas madalas pag-alabin ng pag aruga sa iba, niyayakap mo pa rin ang kabaliwan ng pagiging bata, nagsasayaw ka pa din ng mga steps na hindi makikita kahit saang kumpetisyon (at ikamamatay sa hiya ng talagang marurunong magsayaw) at patay na patay ka pa rin kay Jolibee.

Nangungulila ang puso ko sa kaibigang tulad mo...yun bang hindi ko kailangan maging matalino at tigasin (tutal madalas low gets ka naman di ba? hahahahaha) 'yun bang makikinig sa mga tanong ng buhay na hindi pinagkaka-abalahan ng iba, at susubuking arukin ang hiwaga ng mga walang papupuntahang tanong at sa huli ay sama-sama tayong tatawa at magsasaya na para bang nakakuha ng sagot, sa kabila ng katotohanang 'ni hindi man lang talaga buong diwang naunawaan ang tanong.

Sa tingin ko lang, maraming Maya sa mundo kaibigan, pero nag-iisa lang ang ligaw ngunit buo ang loob sa nais patunguhan...kung saan man 'yan.