Habang nagkakape sa isang tahimik at tagong coffee shop, naulinigan ko ang usaping ito…
“ Iyan, eh di kinain nya rin ang mga pinagsasabi nya, dati s’ya yung “Go for love!” “Risk for love!” all out basta pag-ibig, eh ngayon saan s’ya pinulot?” May diin na sambit ng isang babae sabay hithit sa namutlang sigarilyo kumpara sa init ng kanyang pagpapahayag.
“Oo nga eh, masyado kasi s’yang idealistic. Iyan tuloy, ngayon hirap s’yang mag heal. Dapat habang tumatanda eh nagbabago rin ang pagtingin sa pagibig, dapat mas nagiging pasiguro din.” Ito naman ang sagot ng isang lalaking nagmukhang henyo sa malumanay n’yang pananambitan.
Hindi ako tsismoso, lubos lang malapit ang aming mesa sa bawat isa. Sa kanilang palitan ng kuro kuro hindi ko maiwasang mapaisip din tuloy, ganoon nga ba ang pagibig at ang umibig sa makabagong panahon? Habang tumatanda ay mas dapat tayong maging maingat sa pag suong dito?
Ayaw kong mag astang isang propeta or henyo sa larangan ng pagibig, subalit sa kadahilanang nababagabag ako sa aking narinig kagabi, hayaan n’yo sana ako mag pahayag ng aking pananaw, hindi para mangumbinse, kundi para magbulalas lang ng aking sariling saloobin. Thinking outloud sabi ng ‘kano (cheating naman para sa teacher ko noon sa elementary).
Ang pagibig simula’t sapol pa man ay balot na ng pakiramdam na hindi mawari; masaya, nakakatakot, malungkot, exciting, nakaka-iyak, at kung ano-ano pa. Ito ang katotohanan ng pagibig, isang karanasang walang kasiguruhan, ngunit madalas eh pinipilit nating pagtayaan.
Sa panahon ngayon, nagbago na ba ang pakiramdaman o simtomas ng isang inaalipin ng hiwagang ito? Sa tingin ko hindi pa rin, mukha pa rin tayong nae-engkanto kapag inlove, nagpapakatanga pa rin tayo sa ibang desisyon dahil sa pag-ibig, at lumuluha pa rin tayo sa galak at pait sa pagsuong dito.
Kung ang pagibig ay ibibigay ng sukat katulad ng medya ng langis o piraso ng pandesal, baka kailangan pagnilayan kung pagibig nga ito. Kung ang pagtataya ay hindi buo at bukal sa kalooban, marahil ay masyado mo pang mahal ang sarili mo kesa sa ginigiliw, baka hindi pa rin pag-ibig ‘yan.
Ang pag-ibig ba ay ang pagtataya ng hindi nag-iisip? Hindi, katangahan ang tawag d’yan. Ang pagibig para sakin ay ang pagtanggap sa katotohanang ang namumulaklak na hangarin ng iyong puso na makadaupang palad ang isang kaluluwa ay isang imbitasyon sa PAGTATAYA. At katulad ng lahat ng pagtataya, ito ay isang sugal na kailangan mong rin yakapin ang dalang sakit ng pagiging talunan.
Isa lang ang sinasabi ng pagibig, MAGTAYA, kung sa pagtataya eh mabutata, nawa ay tandaan na MATAGUMPAY KA PA RING UMIBIG. Ang tagumpay ng isang pag-ibig ay hindi ang tugunan ito ng kapalit na pag-ibig, kung hindi ang ipahayag ito ng buong kadalisayan, marahil ng may konting pag-aasam na tugunan pabalik, ngunit hindi kailan man hihingi o magdidikta.
Makabago na ang panahon, subalit hindi ang pagibig. Simula’t sapol sugal na ito, at simula’t sapol takot na rin tayong magtaya. Ang pinagka iba lang natin ngayon sa mga tumataya noon, dibdiban silang magtaya at may dignidad at tapang sila sa pagiging sugatan.
Eh ikaw?

No comments:
Post a Comment