“First love never dies…” yan ang sabi ng Seals & Croft, at yan din ang sinasabi ng iba, kung gaano sila karami ay hindi ko alam at ayaw kong magbilang. Ang alam ko, totoo ito to a certain extent, sa tagalog, this is true sa puntong…
Ang unang pag-ibig ay hindi namamatay…nga kaya?!
Patungtong ako ng 4th year high school noon ng una ko s’yang makilala, simple, maganda, mabait, at sadyang kaakit-akit. Ng araw na yun alam ko, ako’y may pagtatanging nararamdaman sa kanya, higit sa kaibigan. Nag kakilala kami at nag kamabutihan, pinilit alamin kung papa’nong iparating o ipahiwatig ang nilalaman ng mga pusong pareho bagito sa larangan ng pag-ibig at panliligaw. Sa kabila ng kawalang alam at kahiya-hiya kong katorpehan, natagpuan namin ang aming mga sarili na masaya sa mga bagong karanasan bilang dalawang pusong may unawaan at may namumulaklak na pag-ibig. Kung low gets ka, gagawin kong simple…naging kami.
Makulay ang mundo pag mag kasama kami, at sa unang pag kakataon lahat ng bagay na pangkaraniwan ay wari bang kakaiba kapag kami’y magkatabi. Bawat kalsadang nadaanan ay wari bang may naiwanang bahagi ng puso na s’yang nagbibigay ng parehong pakiramdam minsang dumaan akong muli sa parehong kalsada ng hindi sya kasama. Walang kasing ganda ang dalampasigang binabaybay ng magka-hawak kamay, at talbog ng mahigpit na yakap ang init ng bagong silang na araw sa tuktok ng isang bulubundukin. Sa unang pag kakataon naramdaman ng puso ko ang tinatawag na pag-ibig. Hindi ko mabigyang kahulugan o sapat na kadahilanan ang pakiramdam, ang alam ko masaya ako, sa tila baga mahikang kayang idulot ng pakiramdam na yun, mahika na nag dudulot ng mga bagong karanasan at pananaw sa sarili at sa mundo, ng isang payak na taong katulad ko. Hindi ko rin maintindihan kung papa’nong ang una kong pag-ibig ay nag bigay buhay sa maraming patay na bagay na kadalasang hindi ko binibigyang pansin, katulad ng mga tala, ng hangin, ng alon, o ang bubong ng kanilang bahay.
Mahigit isang taon na langit at paraiso, mahigit isang taon ng mahika at kulay. Ngunit ang panahon at buhay ay sadyang may sariling takbo, may mga bagay tayong pinawawalan dahil sa murang kaisipan at minsa’y makasariling kadahilanan, siguro’y may mga pag-ibig na sadyang itinalaga sa atin para sa isang kadahilanan lamang…mag turo. Magturo ng kagandahan ng pag-ibig, mag turo ng iba’t-ibang mukha ng pag mamahal at pag-tatangi, at magturong arukin natin ang ating takot, multo, at tatag ng loob pag dating sa pag-sugal sa pag-ibig.
Kung magulo para sa’yo, spell ko ha? B-R-E-A-K. ‘Yan ang kinahantungan ng una kong pag-ibig. Kung sinong may kasalanan at kung anong dahilan, 5 beer at 10 marlboro, may sagot ako sa’yong katanungan.
Yan ang aking pers lab. The best pare! Siguro ang tanong mo, “patay na ba ang pag-ibig kong ito?”
Madalas pa rin akong tumingala sa langit, at may mga pag-kakataong saglit na bumabalik ang pag-hahangad na ramdam na ramdam ko noon habang umuusal ng dalanging sana’y nakatingin din sya sa mga bituin. May mga dapit-hapong pan-sumandali kong nadaramang muli ang lambot ng kanyang mga palad sa’king kamay, sa gitna ng tahimik na alon at malungkot na takip silim. At may mga araw na wari bang buhay pa rin ang mga kapirasong pusong naiwan namin sa mga kalsadang pinag-daanan, namumukadkad ng saglit, alaala ng halos limot ng kabataan.
Maraming pinto pabalik sa nakaraan, kanta, kulay, pag-kain, amoy, at kung anu-ano pa mang bagay na naging bahagi ng ating kahapon. Kadalasan sila’y mga lagusang nagbabalik sa atin sa nakaraang sadyang limot na o pinipilit pang limutin. Minsan sa mga lagusang ito ang masasalubong mo’y multo ng kahapon at minsan nama’y ang buong paraiso’t mahika ng inosenteng pagmamahalan.
Madalas sa aking pag-iisa, sa katahimikan ng gabi at lamyos ng hangin, nag lalakas loob akong buksan ito ng kusa. At pansumandali ay buhay ang aking kahapon, lahat ng karanasang naramdaman ko sa unang pagkakataon, waring buhay hanggang sa samyo ng hangin, halimuyak ng kanyang buhok, init ng kanyang yakap. Saglit na ang mundo’y nakaraan, hanggang sa nag-uumapaw na saya at pusong hindi mapanatag sa tuwa. At muli ang pinto’y sasara, ang ngayon ay magbabalik, kasama ng lahat ng natutunan sa minsa’y masayang karanasan na kung tawagin ay kahapon.
Balik tayo sa tanong mo.
Hindi ko alam.
Kung ang kahulugan ng pag-ibig ay ang pagtatangi sa alaala ng nakaraan dahil sa tuwa at karunungang natutunan sa mga unang karanasan, buhay ang una kong pag-ibig at ako po’y salawahan. O dili kaya’y kung ang kahulugan ng pag-ibig ay pansumandaling pag-alala sa pusong minsan mong nakasama sa pag tuklas ng hiwaga ng pag-ibig, at pananalanging sana’y masaya din s’ya ngayon katulad ko, ako po’y salawahan.
Maraming mukha ang pag-ibig, maraming kahulugan, may iba’t-ibang lalim, kaya’t hindi ko mabigyan buhay o mabigyang tuldok. Ito ang sigurado ako, buhay sa akin ang alaala ng aking nakaraan, kasama dyan ang pusong nakaulayaw at naka-hawak kamay sa pag-suong sa pag-ibig sa unang pagkakataon. S’ya at ang lahat ng aming nakaraan ay natatangi dahil sya ang una. Ang pag-ibig ko ngayon ay natatangi dahil sya lang ang pinag pasyahan kong maging pag-ibig habang buhay. At higit sa lahat, ang ngayon ko ay natatangi, dahil sa mas malawak kong kakayahang magmahal na dulot ng nakaraan.
Sabi ni Julio Iglesias, “to all the girls I’ve loved before…” okay yun kasi kinikilala nya ang kanyang nakaraan, tulad ko. Ang pinag kaiba namin, babaero sya, ako hindi. (Nga kaya?!)

No comments:
Post a Comment